Alas
dose na ng madaling araw nang ako’y nakauwi sa bahay dala nang mabigat na daloy
ng trapiko. Pagod na pagod na ako at maaga pa ako sa trabaho kinabukasan kaya
napagdesisyonan ko nang matulog. Tirik na tirik na ang araw nang ako’y magising
kaya alam ko na sa sarili ko na ako ay mahuhuli sa aking trabaho ngunit pumasok
parin ako dahil ika nga “It’s better late
than never.” Pagpasok na pagpasok ko pa lang ay mukha na nang aking boss
ang sumalubong sa akin. Sa dinami-dami ng sinabi niya sa akin, isa lang ang
tumatak sa isipan ko.
“Hindi
na nga talaga totoo ang pagiging makabansa ng mga Pilipino.”
Napaisip
ako, ano nga ba ang pagiging makabansa? Kailangan ko bang maging bayani?
Kailangan ko bang maging sundalo o kailangan ko bang magbuwis ng buhay para sa
bayan upang matawag na isang makabansa? Kinilabutan ako sa aking naiisip dahil
sa palagay ko hindi ko naman kaya ang mga kailangan upang kilalanin na isang
makabansa.
Binalewala
ko nalang ang aking mga naiisip at pumunta sa aking boss upang humingi ng tawad
at ipasa ang mga hinihingi niyang
papeles sa akin kahapon. Kinabukasan ay pumasok ako ng maaga dahil pagod
na ako sa mga sermon ng aking boss. Hanggang sa nagpatuloy ito ng nagpatuloy at
pinuri niya ako.
Dito ko
napatunayan na ang pagiging makabansa ay hindi nangangailangan na magbuwis ka
ng buhay para sa bayan. Ang simpleng pagpasok ko lamang ng maaga ay maituturing
na na pagiging makabansa. Ang simpleng pagtapak ko lamang sa pinto ng aming
kompanya araw-araw at ang paggamit ko ng aking puso sa aking mga ginagawang
trabaho ay sapat na upang matawag na isang makabansa. Hindi mo na kailangan na maging bayani o kaya
maging sundalo upang maging makabayan dahil pagmamahal lang sa bayan at sa
kapuwa ang hinihingi upang maging makabansa. At alam ko sa sarili ko na
nananatili pa rin ang ugaling makabansa ng mga Pilipino.